Monday, December 1, 2008

LERON LERON SINTA (awiting bayan)

LERON LERON SINTA

Leron, Leron Sinta, buko ng papaya,
Dala-dala'y buslo sisidlan ng bunga
Pagdating sa dulo'y nabali ang sanga,
Kapos kapalaran, humanap ng iba.

Ako'y ibigin mo, lalaking matapang,
Ang baril ko'y pito, ang sundang ko'y siyam,
Ang lalakarin ko'y parte ng ginulang,
Isang pinggang pansit, ang aking kalaban.

Halika na Neneng, tayo'y manampalok,
Dalhin mo ang buslo, sisidlan ng hinog,
Pagdating sa dulo, lalamba-lambayog,
Halika na Neneng, baka ka mahulog.

DOON PO SA AMIN (awiting bayan)

DOON PO SA AMIN

Doon po sa amin, bayan ng San Roque,
May nagkatuwaang apat ng pulubi,
Sumayaw ang pilay, umawit ang pipi,
Nanood ang bulag, nakinig ang bingi.

Doon po sa aming maralitang bayan,
May isang matandang nagsaing sa apoy,
Papel ang palayok, papel pati tuntong,
Tubig na malamig ang siyang iginatong.

Doon po sa aming maralitang bayan,
Nagpatay ng hayop, Niknik ang pangalan,
Ang taba po nito ay ipinatunaw,
Lumabas na langis siyam na tapayan.

Ang balat po nito'y ay pinakorte,
Ipinagawa kong silya't taburete,
Ang uupo rito'y kapitang pasado't
Kapitang lalaking bagong kahalili.

HARANA O PANANAPATAN (awiting bayan/folksong)

HARANA O PANANAPATAN
Tao, tao po may bahay na bato
Buksan ang bintana't tayo'y magpandanggo
Ang sadya po namin hitso't sigarilyo
HIndi pala hitso't ang dalaga ninyo.
Ang dalaga ninyo, ayaw paligawan
Pumasok sa silid nagsakit-sakit
Tinanong ng ina kung anong dahilan
Sumasakit daw po ang kaniyang tiyan.
Nagpatawag na siya, dalawang mediko
Pinagtig-isihan ang dalawang pulso.
Wika ng mediko, hindi sakit ito
Sinta ng binatang umakyat sa ulo.

SIRENA/MERMAID (kwentong bayan)

SIRENA








May isang binatang mahirap na nakatira sa tabi ng dalampasigan. Hindi siya gaanong komportable sa kanyang maliit na tahanan at walang gaanong makain. Ngunit kahit ganoon ang kanyang kabuhayan, hindi niya nakaligtaang magtapon ng isang barang tinapay sa dagat araw-araw. Iyon ang bilin ng kanyang ina bago namatay.



Isang gabi, nang siya'y umuwi buhat sa trabaho, nagulat siya nang makitang malinis ang bahay, maayos ang kanyang higaan at bagong palit ang mga kurtina. Nang sumunod na araw, nakahuli siya ng kuneho at itinabi niya sa paminggalan. Nang umuwi siya kinagabihan, luto na ang kuneho at nakahain sa mesa.

Nang sumunod na mga araw, gayundin ang mga pangyayari kaya't minabuti niyang alami kung sino ang gumagawa sa kanyang tahanan. Ang ginawa niya ay nagkubli siya sa ilalim ng hagdan at hinintay kung sino ang darating. Di nagtagal, nkarinig siya ng malakas na tilamsik ng tubig sa dagat. Isang malaking isda ang humagis sa dalampasigan at maya-maya'y natanggal ang balat ng isda. Isang magandang babae ang lumantad. Nagwalis siya sa loob ng bahay, hinugasan ang mga pinggan, at nagluto ng masarap na hapunan. Nang handa na siyang umalis, kinnuha niya ang balat ng isda at isusuot na niya nang bigla siyang dinaklot ng binata.

"Inay, inay, tulungan mo ako!." sigaw ng dalaga

Isang malakas na tinig ang umalingawngaw buhat sa dagat. "Huwag kang matakot anak ko, sapagkat ang lalaking iyan ang magiging asawa mo."



Natuwa ang binata at pati ang dalaga. Noon din ay nagpatawag ng pari at ikinasal ang dalawa. Pitong araw na nagdiwang ang lahat.

Isang araw, nang nakaupo sa may durungawan ang babae nagdaan ang prinsipe sa bayang iyon. Nahalina ang prinsipe sa kagandahan ng babae at isinumpa sa sarili na kalingang makuha niya ang babae. Kaya't umisip siya ng paraan.

Ipinatawag ng prinsipe ang asawa ng babae, "Ibig kong," aniya. "ako'y igawa mo ng isang malaking tolda na pagkakasyahan ng lahat kong kawal ngunit hindi mapupuno ito. Bibigyan kita ng tatlong araw. Kapag hindi mo nagawa, papupugutan kita ng ulo."



Alam ng lalaki na hindi niya magagawa kaya't labis ang kanyang kalungkutan. Nang tanungin siya ng asawa kung bakit siya nalulungkot, sinabi niya ang dahila.



"Iyon lamang ba?" sabi ng babae. "Hayaan mo at ako ang bahala, Tayo doon sa dalampasigan."



Pagsapit nila roon, tumawag ang babae sa kanyang ina. "Ina, Ina, pahiram ng toldang maliit. Kami ng aking asawa ay magpipiknik.

Ilang sandali lamang buhat sa dagat ay humagis ang isang malaking tolda.

Nang dumating ang prinsipe, namangha siya sa nakita.

"Kung gayon," aniya. "igawa mo ako ng alpombrang sinlaki ng toldang ito. Kapag hindi mo nagawa, papupugutan kita ng ulo."

Muling nalungkot ang lalaki at nang sabihin niya sa babaw ang kanyang suliranin, napatawa ito. "Iyon lamang ba?"



Muling nagtungo sila sa ay dagat at doon ay tumawag ang babae. "Ina, Ina pahiram ng maliit na alpombra."

At buhat sa dagat, humangis ang aisang napakalaking alpombrang sinlaki ng tolda. Nang dumating ang prinsipe, nagulat siya sa nakita.

"Kung gayon, bigyan mo ako ng maraming ubas para sa aking mga kawal, ngunit kailangang may matitira pa. Kapag hindi mo nagawa, papupugutan kita ng ulo."

Nang malaman ng babae ang kahilingian ng prinsipe, tumawag siyang muli sa kanyang ina. "Ina, Ina bigyan mo kami ng maliit na kumpol ng ubas at aming titikman."

Buhat sa kailaliman ng dagat at humagis ang napakaraming ubas. Nang dumating ang mga kawal ng prinsipe, kumain sila nang kumain hanggang sa sila ay mabusog ngunit marami pa ring natirang ubas.

Labis na namangha ang prinsipe sa kanyang nasaksihan. Galit na galit ang prinsipe sapagkat hindi niya madaya ang lalaki. Umisip siya nga mahirap na utos at nang makaisip ay tinawag ang lalaki.

"Bigyan mo ako ng isang sanggol na tatlong araw lamang ay nakapagsasalita na. Kapag ang sanggol ay dalawa o apat na araw ang gulang, papupugutan kita ng ulo."

Lubhang nabahala ang lalaki. Ang ipinag-uutos ng prinsipe ay mahirap. Ngunit sinabi ng babae: "Ina, Ina, ipadala mo rito ang kapatid kong tatlong araw pa lamang. Nalulungkot kami at nais naming may makalaro."

At buhat sa dagat ay lumatiaw ang isang sanggol na lumalango at nang humarap sa dalawa ay sinabi: "Kamusta, Ate? Kamusta Kuya? Ako ngayon ang makikipag-usap sa prinsipe."
Nang dumating ang prinsipe, agad umakyat sa kanyang kandungan ang sanggol at walang pakundanganag sinabi: "Hindi ka ba nahihiya? Pinahihirapan mo ang aking bayaw. Ngunit sa akala mo siya ay nahihirapan. Hindi. Magagawa niay ang lahat mong ipag-uutos, sapagkat siya ay makapangyarihan. Hindi niya iyon ipaalam sa iyo sapagkat siya'y gumagalang sa prinsipe. Ibig mo siyang mapatay at pakasalan ang aking kapatid, hindi ba?" At pinag-susuntok siya ng sanggol sa tenga.

At biglang napahiya ang prinsipe. Buhat noon hindi na niya ginambala ang katahimikan ng mag-asawa at humingi ng tawad sa lalaki. Matagal na namuhay ang mag-asawa sa tabi ng dagat.